PAG-IBIG NA DAPAT IWASAN

Ni: Jay Adam Mallapre

Mag-ingat ka, tuso siya. 
Umiwas ka, baka magapos ka—
Ng posas niyang pawang ginto, 
Na kumikinang sa harap ng pinto, 
At ‘di mapahinto 
dahil umaapaw ang kan’yang kasinungalingan. 
Na waring ang dala niya’y kaginhawaan at kaligayahan. 
Hindi, mali. Nagkakamali ka kung iniisip mong liligaya ka sa kan’ya. 
Panandalian lamang s’ya,
panandalian lamang ang saya. 
At ang dulot n’yang sakit, abot hanggang kaluluwa. 
Na kung hindi maagapa’y makakahawa pa.

Tuso siya, walang sinasanto. 
Kaya sa pagkakataong siya’y mapasa ‘yo, 
Hindi na makakatakas maging ang ‘yong anino. 
Wala siyang hangad kun’di sumaya ka nang sandali, 
At tumagal ka sa sakit at pighati. 
Dahil salot siya, hindi lang sa lipunan 
maging sa buong sanlibutan. 
Hindi siya mapipigilan dahil ginawa siya upang pag-agawan.

Pinag-aagawan, napaka-importante naman niya, 
Handang pumatay o magpakamatay ang iba, makuha lang siya. 
Simbolo ng hindi pagkakaisa at pagkawatak-watak. 
Dahil nakakasilaw ang kan’yang kinang na ‘di nawawasak,
Ngunit dumadanak pala ang dugo sa likod ng animo’y ginto at pilak. 
Pila, mahaba-habang pila pa ang kailangang hintayin para mabitak, 
Ang sumpang hatid mo sa mundong sobrang gulo. 
Ngunit paano? Ikaw ang inibig ng mundong ito?

Ikaw ang PAG-IBIG NA DAPAT IWASAN, ngunit inibig ka pa rin ng sangkatauhan. 
Ang pag-ibig sa iyo’y walang kasiguraduhan, 
ngunit sigurado akong sigurado sila sa pag-ibig sa ‘yo nang lubusan.

Kaya hindi na ako magtataka pa 
kung hindi mawala ang sumpa na— 
nakabinbin sa iyong mga bala, 
na pinangtatama sa—
makasalanang mga tao na tagos hanggang buto ang epekto. 
Kaya nakagagawa ng panloloko 
na ‘di kayang solusyunan ng mga eksperto. 
Perpekto, ang tingin sa ‘yo ng mga tao.
Sinamba ka ng ilan, ginawa kang santo.

Ang pag-ibig sa ‘yo ay dapat iwasan ngunit bakit ‘di magawa ng karamihan? 
Bakit kahit pilit iwinawaglit ay patuloy na sumisiksik sa ating pananaw,
Na siya ang dahilan kung bakit ang saya nati’y umaapaw, ang kasakiman nati’y nangingibabaw?

Ay, oo nga pala, ikaw nga pala ang ugat ng kasamaan, hindi na ako magtataka.
Kung bakit sa daming naimbentong bagay sa mundo, ikaw lang ang nagturo sa tao pa’no maging buwaya.
Marami na akong inibig, dumaan na sa maraming kabiguan at maling pagmamahalan.
Pero kahit ikaw ang pinakamakinang at pinag-aagawan sa buong kapuluan,
ANG PAG-IBIG PA RIN SA ‘YO ANG AKING DAPAT IWASAN.

Leave a Reply