NALAWLAW

Walwalero ka rin ba? Ang piyesang ito ay para sa’yo!

By Jonathan Amoyan

Pre, ipagpaalam mo ‘ko kay Mama’t Papa,
Pati na rin kay Ate at Kuya.
Paki-sabing mag-aaral tayo mamaya,
Pero ‘wag banggiting may alak na dala.

Bitbit ko’y panulat at libro,
Props lang, para ‘di tayo mabuko.
Sasamahan ko na rin ng pabango,
Pang-spray kapag pauwi na ako.

Kanina pa ako nandirito sa tagpuan,
Nagmamasid sa silangan at kanluran.
Tamang painosente lang para ‘di kutuban,
Na pupuntahan ko’y walwalan, ‘di aralan.

Isa-isa ko na silang nakikita,
Aming pagsasama’y malapit na.
Kami’y kumpleto na, hugot-pera sa pitaka,
Pare, wala kang hiya, mag-ambag ka!

Kayo’y bumili na ng ating inumin,
Pero ‘wag sa tindahan ng aking tiyuhin.
Bumili na rin ng juice na titimplahin,
Chaser, para ‘di malakas ang tama sa’tin.

Handa na ang lahat,
Isang litro, baso, at tsitsiryang maalat.
Bentilador ay ilakas kasi tanghaling-tapat,
Bilisang uminom, dahil may tropang atat.

Humahaba ang usapan,
Paunti-unti na tayong tinatamaan.
Lumalakas ang ating halakhakan,
Patuloy na itinataob ang kalaban.

Kinalaunan, tawanan ay nagwaglit,
Nawala ang kulit, drama ang pumalit.
Puso pala ng ating tropa’y napunit,
Maganda ‘to, isang bote pa ulit!

Isa-isa na tayong naglabas ng saloobin,
Naglakas-loob na maskara’y tanggalin.
Naipasok ang mga personal na usapin,
Sa wakas, hilaw na kayo’y nakilala ko rin.

Likido sa mga bolang kristal ay tumutulo,
Mga damdamin natin ay bumubugso.
Dahan-dahang lumalabas ating pagkatao,
Malakas humagulgol, kahit malaking tao.

Tatak niyo sa puso ko’y lumalalim,
Salamat, nawala ang sakit na kinikimkim.
Pinalitan niyo ng liwanag ang dilim,
Sa buhay kong maitim at makulimlim.

Kahit hindi kaaya-aya ang lasa ng alak,
Sige pa, laklak lang ng laklak!
Wala naman tayong masamang balak,
Nais lang nati’y umiyak at humalakhak.

Grabe, pare, ang saya-saya!
Patuloy ang indak kahit may umiinda na.
May mga napasuko, bagsak sa mesa,
At syempre, mayroon ding nagsusuka.

Nagpapalit na si Araw at si Buwan,
Paunti-unting dumidilim ang kalangitan.
Dinig ang mga phone na nagpapalakasan,
Mga magulang nami’y nagsisitawagan.

Pare ko, pare ko,
Panahon na para mamaalam ako sa inyo.
Salamat sa mga ala-alang maitatago,
Pero ‘wag niyo akong i-tag sa mga litrato.

Narating ko na ang aming tahanan,
Walwala’y ‘di pa rin mawalay sa isipan.
Habol ko’y ‘di ang alak na may kapaitan,
Bagkus ang ligaya habang nag-iinuman.

Tinawanan natin ang ating mga sablay,
Mga ‘aray’ sa buhay ay ating binaybay.
Kahit tayo ay mahilig tumagay,
Ating iwawagayway ang tagumpay!

Total Views: 15

2 thoughts on “NALAWLAW

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *