“LAHAT NANDITO PA PERO SIYA WALA NA”

Do you want this deleted? Request Deletion or Do you want to share yours? Submit Here

ni: Syrell Mancao

Nakaupo sa silya,
Inaalala ang mga alaala,
Hawak hawak ang mga pangakong pinanghahawakan ko pa,
Hinihintay ang pagbabalik kasi nagsabing babalik ka.

Hindi mapigilan,
Hindi ko mapigilan ang luhang matagal kong pinagtaksilan,
Pinagtaksilan dahil ayokong sila ang maging basehan,
Basehan ng aking nararamdaman.

Malakas naman ako,
Kinaya ko nga ang ilang beses at paulit-ulit na pagkadurog ng puso ko,
Pero hindi ko nga lang maintindihan kung bakit kailangan maulit ang paulit-ulit na pangyayaring ito,
Kasabay sa paghihintay ng mahabang panahon ay ang pag-asang ang sakit ay kusang maghihilom.

Tila isang panaginip,
Kasabay ng hangin ang malakas at malamig na pag ihip,
Pero nagkamali ‘ata ako sa aking iniisip,
Dahil totoong nangyayari ito at hindi mababago kahit ilang beses pa akong umidlip.

Mga larawan na nakadikit sa aking talaarawan,
Mga tinta na nakaukit sa papel na aking pinagsulatan,
Nakadikta roon ang sakit at saya na ating pinagdaanan,
Ngayon tila isang istranghero kung ako’y iyong daan-daanan.

Kakilala, kausap, at naging kaibigan,
Naglaan ng oras, panahon at pagmamahal para ika’y samahan,
Pinalakas ang loob at ika’y sinuportahan,
Pero mukhang sumobra ang kumpiyansa mo sarili mo dahil pati ang taong nagsabing kaya mo ay kinaya mong talikuran.

Paulit-ulit ang mga senaryo,
Masaya sa simula, magkakaroon ng konklusyon sa gitna, sasabihing pagod na kaya sa huli pipiliin na tapusin ito,
Mga taong pinagkatiwalaan ko nga pala ang sisira sa tiwalang ibinigay ko,
Sila ang mga taong minahal ko ngunit sasaktan lang din pala ako.

Kantahan at mga memoryang binuo,
Naglalakad habang ang bawat isa ay may baon na kaniya-kaniyang kwento,
Hawak ang kamay mo ganoon ka rin sa kamay ko,
Ang mga bulaklak ang nakapukaw sa atensyon mo kaya sa muli mong paglingon sa akin ay tila hindi na ako ang iyong gusto.

Kung gaano kabilis ang sinasabi nilang alas kwarto,
Mas mabilis ka pa pala sa pagbigkas mo ng salitang tapusin na natin ‘to,
Bago mo kasi sabihin ang mga katagang ito ay wala ka na sa tabi ko,
Nasa tabi ka pa rin naman ngunit hindi na sa tabi ng dating taong kasama mo.

Ako iyon,
Ako ang taong iniwan mo,
Ako ang taong nagpamukha sayo na mamahalin ka ng mga taong akala mo’y mang-iiwan sa’yo,
‘Yung taong binuo ka nang mga panahong durog ka pero heto sinira mo.

Hindi mo pwedeng sabihin ang paalam kung matagal ka ng nang-iwan,
Hindi mo pwedeng sabihin sa’kin na huwag umiyak kung ikaw ang dahilan ng bawat luhang pumapatak,
Huwang mong ipamukha sa’kin na kamahal-mahal ako kung ang pagmamahal na para sana sa akin ay nilalaan mo na sa ibang tao,
‘Wag mo akong sisihin sa mga pagkakamali na nagawa mo dahil kayang-kaya ko rin naman magtaksil sa’yo noong mga panahong magkasama pa tayo pero hindi ko ginawa kasi ayokong saktan ka at ang damdamin mo.

Tapos na rito,
Ang kwento, alaala, at ang pagmamahal mo,
Ay mali, sa’kin nga lang pala tapos kasi nagsisimula ka na nga pala sa bago mo,
Hindi ako magagalit sayo at hihilingin ko na sana huli na ‘yan at manatili sana ang mga leksyon na tinuro ko sayo upang matupad mo ang pangarap mo kasama ang taong mahal mo.

Lahat nandito pa pero siya wala na,
Ganoon siguro talaga,
Minahal ko kasi nang sobra ang taong nakalaan para sa iba,
Ngunit masaya ako dahil tapos na pero hanggang sa huli mararamdaman ko ang katagang lahat nandito pa pero siya wala na, wala na siya sa’kin pero sa panalangin ko mananatiling kasama siya.

Total Views: 39

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *