“KADILIMAN, KAIBIGAN”

-Jude Michael Aquino Fornal

Minsan mong ibinahagi
ang iyong mga pangarap sa dilim.
Kasama mo siyang umasa
na may tagumpay na darating.
At nang mangyari iyon,
kinalimutan mo siya—
iniwan mo ang kadiliman
na nag-iisa.

Madalas, kinamumuhian natin ang dilim.
Ayaw natin sa hatid nitong
lungkot, takot at pighati.

Pero, naisip mo man lang ba
na noong ika’y nagdurusa
sa kawalan ng pag-iisa,
hindi ba’t naroon ang dilim
upang damayan ka?

Malungkot na kasama ang kadiliman.
Pero kung minsan,
siya lang ang nand’yan
sa tuwing kailangan mo ng kaibigan.

Minsan, ang dilim ay gusto ka lang damayan.

Leave a Reply