❝Toy Story – Hugot ng isang laruan❞

Do you want this deleted? Request Deletion or Do you want to share yours? Submit Here

Written by : Nned Neddic

Minahal kita ng totoo, higit sa salitang “Sapat” at sa kaya ko. Nagbingi-bingihan ako sa sigaw ng mundo, nagbulag-bulagan sa lahat ng nakikita ko.. nagtanga-tangahan.

Sineryoso ang isang bagay na sa una pa lang ay batid kong lokohan. Umasang magkakatotoo ang isang bagay na kasinungalingan. Nilaro ko ang isang laro na matagal mo ng nakasanayan.
Sa huli’y napagtanto ko, hindi mo pala ako kalaro..
ako pala mismo itong laruan.

Ngayo’y nakalutang ako sa ere nang wala man lang makapitan.
Sinusubukan kong magtapang-tapangan.
Kunwari’y kaya ko ‘tong malagpasan ng ako lang. Kunwari’y hindi kita kailangan.

Ang tanga ko talaga.
Niloko mo na nga ako, lolokohin ko pa ang sarili ko..
Mahal kita. Minahal kita.
Hindi ko kayang mag-isa.
Hindi ko kayang wala ka.

Tinuruan mo ako kung paanong kumapit, pero hindi paanong kumawala.
Tinuruan mo akong magtiwala at maniwala sa isang himala, na sa larong ito ay mayroon akong mapapala.

Ngayon, ako itong sugatan at duguan.
Walang laban.. sapagkat ako itong talunan sa isang laro na ako mismo ang laruan.

Sa paglisan mo’y marami akong natutunan.
Maraming masasakit na bagay ang kinailangan kong maunawaan.

Gaya ng mga tanong na kailanma’y hindi na mabibigyan ng kasagutan.
Gaya ng pagtanggap ko na sa mundong ito, hindi lahat ng kahilingan ay mabibigyan ng katuparan.
Gaya na lang ng paglisan mong hindi ko man lang nabigyan ng sapat na dahilan.. upang pansamantala kang maantala at mapigilan.

Hindi naman pala lahat ng hahabulin mo’y hihinto para sayo. Hindi lahat ng hahabulin mo’y maaabutan mo.
Hindi lahat ng hahanapin mo’y magpapakita sayo ng kusa. Lalong hindi mo mahahanap ang isang bagay na hindi naman talaga nawawala.

Alam kong higit pa ako sa isang laruan.
Isang bagay na dapat kong mapatunayan.
Alam kong may darating na kaya akong pahalagahan at pag-ingatan.
Isang bagay na hindi ko pagsasawaang paniwalaan.

Hindi man kagandahan ang kinahinatnan ng lahat, hayaan mong magpaalam ako sayo ng maayos.

“Paalam Mahal”,
mga salitang ayokong sabihin pero kailangan.
Bagay na ayokong gawin pero wala na rin naman akong mapagpipilian.

Hanggang dito na lang,
nagmamahal, at patuloy na magmamahal..

Ang dati mong laruan~

Total Views: 162

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *